Sa Batis Nakikita
(Originally published in Freedom! Magazine, March 1997 issue. Minor edits made due to typographical errors in the published version.)
Naglalakad siya. Patuloy sa matagal-tagal nang paglalakbay. Huminto siya saglit. Bumuntong-hininga. Nakatingin sa isang bukana.
Lumapit siya roon. Lumuhod siya sa tabi ng isang maliit na batis na inaasahan niyang matatagpuan niya roon. Sumilip siya sa batis. At umiyak.
Sa gitna ng oras ng pagdarahop, naramdaman niya ang isang kamay na pumatong sa kanyang balilkat.
“Bakit? Anong problema?” ani sa kanya.
Nagpunas siya ng mga luhang nagpapahirap sa kanyang makakita at tumingala sa nagsasalita. Hindi niya kilala yaon pero nakapagtataka’t may naramdaman siyang pagkapanatag ng loob.
“Sabihin mo sa ‘kin, baka makatulong ako,” anyaya sa kanya.
May pag-aalinlangan siya sa pagsagot pero sa huli ay naisip niya, “Bakit hindi, may mawawala pa ba sa ‘kin?”
May sakit ang loob siyang sumagot, “Ayoko na. Pagod na ‘ko.”
“Pagod?” tanong sa kanya.
“Sa paglalakad,” daing niya. “Kay tagal ko nang naglalakad pero hanggang ngayon nandito pa rin ako.” Bakas na bakas ang kalungkutan sa himig ng kanyang tinig.
“Paanong nandito pa rin?”
“Manlalakbay ako,” salaysay niya. “Minsan may kasama, minsan wala. Kapag may nakakasalubong ako, nakakasabay ko. Kalimitan nakikila ko at nagiging kaibigan ko. Mag-uusap kami, magkwekwentuhan, minsan magtutulungan. Kapag may nakakasalubong na kung anong lugar, minsan pupuntahan. Minsan beerhouse, minsan basketbolan, pwedeng kung anong libangan, pwedeng kung anong pakikinabangan. Depende na rin sa kasama.”
“Sinu-sinong kasama?”
“Dati may nakasama akong mahilig sa tugtugan. Laging nakabukas ang kanyang radyo, ang lakas-lakas at ang ingay-ingay, kahit ang pangit naman at parang di na kanta, gustong-gusto pa rin niya. May isa naman akong nakasama puro sayaw at disco ang hilig. May nakasabay na rin akong walang iniisip kundi puro pulitika. Mayroon din namang ang hilig ay puro sports. Tapos mayroon ding puro inom. Mayroon ding sari-saring sugal ang nalalaman. At ‘yung isa naman sari-saring bisyo at ‘yung isa pa sari-saring layaw. May nakilala rin akong puro TV at ang isa naman ay puro artista ang hilig. Napakarami na nila. Kung tutuusin ay masaya naman kapag kasama sila dahil sari-saring karanasan ang makukuha. Pero kapag napadaan ako sa lugar na ito, alam kong nandito na naman ako, at sa batis…” sabay buhos na naman ng kanyang luha dahil sa di mapigil na pag-iyak.
“Ibig mong sabihin, paikot-ikot ka lang sa paglalakbay mo?”
Tumango siya. Pinigil ang pag-iyak at nagpunas uli ng luha.
“Isang beses,” patuloy siyang nagkuwento, “may nakilala akong nakuha talaga ang pansin ko. Nakatutuwa naman at ginantihan niya ang atensyon ko. Masaya kaming nagkasama, kapiling ang isa’t-isa. Hindi ko nga napansin ang mga araw habang naglalakbay kami. Kakaiba talaga. Kaso noong napagawi na naman ako sa lugar na ito, nakilala ko na naman ang lugar, at sa batis…” Muli tinakpan niya ang kanyang mukha para maitago ang kanyang pag-iyak.
Walang nagawa ang kasama niya kundi samahan siya, at sa pagkakataong iyon, iyon lamang ang kanyang kailangan.
“Tuwing titingin ako sa batis, di ko maiwasang iwan at kalimutan ang mga kaibigan ko’t kasama. Nakakasakit ng ulo’t nakakabigat ng puso.
Akala ko may mararating ako. Akala ko may patutunguhan ako. Hanggang ngayon… paikot-ikot lang pala ako. Wala palang nangyayari sa ‘kin. Sayang lang ‘tong paglalakbay ko. Hanggang ngayon… ito at ito pa rin. Sawang-sawa na ako. Pagod na pagod.”
Tinanong muli siya ng kasama. “Ano nang nagawa mo para makaalpas sa paikot-ikot mong paglalakbay?”
“Ang dami ko ng sinubukang ibang daan. Pero wala, ganoon rin… dito rin ang bagsak ko. Nakapagparami na ko ng ari-arian at kayamanan, pero hindi pala nabibili ng kayamanan ang kailangan ko at hindi rin nito nabubura ang pabigat sa puso ko. Kaya nag-aral na lang ako, nagpakatalino at naghasa ng kakayanan sa pag-aakalang baka madiskubre ko ang daan para makaalpas sa paikot-ikot na daang ito. Subalit kahit anong talino ko’t galing, kulang pa rin; di ko pa rin natagpuan ang hinahanap ko. Mayroon na rin akong sinundang taong inakala kong magaling na nagsabi sa akin na siya ang magtuturo sa akin ng tamang daan. Kalokohan lang pala ‘yung sinasabi niya. Sa huli, dito rin ang padpad ko, at sa batis…” sabay iling at pagpatak ng mapait na luha.
“Alam mo,” patuloy niya, “marami na rin sa mga nakasama ko ang nabalitaan kong tumigil na sa paglalakbay. Di na nila nakayanan. Sumuko na sila sa hirap at pagod.”
“E ikaw?” tanong sa kanya.
“Ayoko na. Siguro pati ako sumuko na.”
May kinuha siya sa mga gamit niya at isusubo na sana niya, pero pinigilan siya ng kasama.
“Bakit?” tanong niya. “Kailangan ko ‘to. Kahit sandali, malimutan ko lang ang problema ko.”
“Hindi mo kailangan ‘yan,” mahinahon na sagot sa kanya ng kasama.
“Alam mo, ako’y manlalakbay rin. Kung ano man ang nararamdaman at nararanas mo ay naramdaman at naranas ko rin noon. Pero di tulad mo, alam ko ang tamang daan para makaalpas sa paglalakbay na ganito.”
“Ha?” parang gulat niyang tanong. “Talaga? Kung totoo ‘yan, e ano pang ginagawa mo rito?” may pagdududa siyang nagtanong.
“Para tulungan ang mga taong tulad mong naliligaw, at hirap na hirap na subalit hindi pa rin nalalaman ang tamang daan.”
“Gusto mo bang samahan kita patungo sa tamang daan?” anyaya sa kanya ng kasama.
Hindi niya mapaniwalaan ang sinabi. “Ano ba ‘to? Totoo ba ‘to?” tanong niya sa sarili. “Baka tulad rin ‘to ng iba. Sasama ba ko o hindi?”
Inisip niya, “May mawawala pa ba sa ‘kin?”
At nang isipin naman niya, “Ano naman ang mapapala ko dito?” agad siyang sumagot.
“Oo ba!”
Pinulot niya ang kanyang mga gamit, binitbit at sumama.
Iba ang daan na sinimulan nilang landasin. Bago. Hindi pangkaraniwan. Hindi niya alam na may ganito palang daan. Nanibago siya sa dinadaanan dahil di siya sanay dito. Bagaman may kahirapan, tiniis pa rin niya upang marating ang nais paroonan.
Sa wakas ay dumating sila sa isang sangangdaan kung saan may apat na daan na nagtatagpo, isang pahilaga, isang pakanluran, isang patimog at isang pasilangan.
“Dito kailangang dumaan ang kaibigan ko para magkaroon ng bagong daan,” paliwanag ng kasama niya.
“Nakikita mo ‘yang butas sa pader. Diyan ka kailangang dumaan. Wala ng ibang daan kundi iyan. Naging pinakamatalik kong kaibigan ang gumawa niyan. Nandoon siya sa kabilang pader at alam kong matagal ka niyang hinihintay.”
“Paano niya ‘ko nakilala?” may pagdududa siyang nagtanong.
“Matagal ka na niyang kilala. Alam niya ang bawat nangyayari sa iyo. Alam niya ang nangyayari sa atin ngayon.”
“Alam niya? Paano ‘yon?” Hindi niya maintindihan.
“Maiintindihan mo rin ako pag kasama mo na siya.”
May pag-aalinlangan siyang nag-isip. Tutuloy ba siya o hindi. Hindi siya sigurado sa dapat niyang gawin.
Sinagot ng kasama niya ang kanyang pag-aalinlangan. “Subukan mo at tingnan mo kung ano ang naririto. Kung piliin mo man na ayaw mo ay puwede ka namang bumalik sa pinanggalingan mo. Pero sinisigurado ko sa iyo na ang landas na iyong tatahakin ay bago sa iyo at di nilalakbay ng lahat. May kahirapan ang daan at may masasalubong kang mga balakid. Pero sundin mo lang ang sinasabi ng kaibigan ko at sasamahan ka niya. Siya ang tutulong sa iyo sa iyong paglalakbay. Huwag kang mag-aalala. Nandiyan siya palagi para sa iyo. Sigurado ‘yan. Ito ang kailangan mo. Ito ang matagal mo nang hinahanap.”
Nang papasok na siya sa butas ay nalaman niyang hindi pala kasya sa butas ang kanyang mga dala.
“Iwan mo na ‘yan,” sabi sa kanya ng kasama. “Di mo pwedeng dalhin ‘yan at di mo na rin kailangan ‘yan.”
“Pero nandito lahat ng ari-arian ko,” sagot niya. “Nandito ang nakaraan ko’t pangkasalukuyan, ang paraan ko ng pamumuhay at ang mismong buhay ko.”
“Kaya nga kailangan mong iwan ‘yan,” balik sa kanya. “Hindi mo na pwedeng dalhin ‘yan sa paglalakbay mo sa bagong daan. Pero huwag kang mag-alala. Ibibigay ng kaibigan ko lahat ng pangangailangan mo. Sagot ka niya.”
Sa simula ay may pag-aalinlangan ngunit tinalo niya ito at buong pag-asang sinabi sa sarili, “Gagawin ko ito. Ito talaga ang kailangan ko’t matagal ko nang hinahanap. Ito ang desisyon ko.”
Ginabayan siya ng kanyang kasama sa pagpasok sa bagong daan. Nakilala nga niya ang tinutukoy ng kanyang kasama na naging pinakamatalik rin niyang kaibigan at kanyang gabay. Bago ang daan sa kanya subalit dito naramdaman niya ang kakaibang kaligayahan at kapayapaan kapiling ang kanyang kaibigan na hindi niya nadama at higit pa sa anumang bagay sa dati niyang landas na tinatahak.
Tumingin siya sa batis at natuwa sa kanyang nakita. Sa wakas, maligaya na siya’t malaya.
Subalit ano ba ang nasa batis na labis na nagpapalungkot sa kanya? Mayroon bang kakaiba sa batis na ito? Wala. Ano ba ang naroroon? Lumapit ang kasama niya sa batis at tumingin siya rito. Ano ang nakikita rito? Ang repleksyon ng sinumang tumingin dito.
-A. L. E.-